*Isabela-* Hiniling ni dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Francis Tolentino sa Manila Mayor’s na muling aralin ang Oplan Metro Yakal bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng 7.2 magnitude na lindol o ang tinatawag na “The Big One” kaugnay pa rin sa katatapos lamang na sunod-sunod na pagyanig ng lindol sa malaking bahagi ng Pilipinas.
Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Sec. Tolentino, oras anya na tumama ang “The Big One” sa Metro Manila ay napakalaking epekto nito sa pagbagsak ng ating ekonomiya dahil 40 porsiyento nito ay nanggagaling sa Maynila.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ni Administration Senatorial bet Francis Tolentino ang mga alkalde sa Kalakhang Maynila na i-review ang nilalaman ng kanyang inilatag na Oplan Metro Yakal kung paano ito ipapatupad ng maayos upang mapaghandaan ang posibleng pagtama ng pinangangambahang lindol.
Paliwanag pa ni Sec. Tolentino na kung tatama anya ang 7.2 magnitude na lindol sa Kalakhang Maynila ay ililipat na sa Clark, Pampanga ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at ibang pribadong kumpanya.
Hiniling rin nito sa mga kinauukulan na dapat sinusuri ng mabuti ang mga pampubliko at pribadong gusali upang matiyak na nasa maaayos itong kalagayan.
Samantala, payo naman ni Sec. Tolentino sa mga bibili o uupa ng bahay na humingi ng building plan upang makita kung ligtas ba itong tutuluyan.