“Oplan Sita” sa mga dayuhan, inirekomenda ng NCRPO sa pagdinig sa Senado

Inilatag ng hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagdinig ng Senado na nais nila sanang magpatupad ng “Oplan Sita” o random check sa foreign nationals sa Metro Manila.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi ni NCRPO Chief BGen. Jonnel Estomo na nais niyang magpatupad ng “Oplan Sita” kung saan maaari nilang inspeksyunin at hanapan ng ID ang mga Chinese at iba pang foreign nationals na mahaharang sa checkpoints.

Lumalabas kasi sa pagdinig ukol sa serye ng mga kidnapping cases na may mga dayuhang biktima ng iba’t ibang krimen ang hindi pa alam ang pagkakakilanlan hanggang ngayon dahil sa kawalan ng record.


Kinwestyon naman ng Committee Chairman na si Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung anong pumipigil sa Philippine National Police (PNP) para ipatupad ito lalo’t ngayon ay kailangan na ng desperate measures sa magkakasunod na mga kaso na sangkot ay mga dayuhan.

Tugon ni Estomo na maaari kasi nilang masagasaan ang trabaho ng Immigration.

Nilinaw naman naman ni Immigration Deputy Commissioner Fortunato Manahan Jr., na sila ay nakatutok lamang sa pagtupad ng mga dayuhan sa immigration laws at para sa kanila ay maaaring ipatupad ng pulisya ang “Oplan Sita”.

Pinaghinay-hinay naman ni Senator Grace Poe ang PNP sa pagpapatupad ng Oplan Sita at hiniling na bumuo muna ng polisiya kung paano gagawin ang pagsita.

Facebook Comments