Cauayan City, Isabela – Kasalukuyan na ang preparasyon ng Police Provincial Office sa nalalapit na Summer Vacation o SumVac sa lalawigan ng Isabela . Ito ang naging pahayag ni Provincial Director Police Senior Superintendent Romeo T. Mangwag sa naging panayam ng RMN News Cauayan.
Sinabi pa ni IPPO Director Mangwag na mayroon nang koordinasyon ang tanggapan nito sa Provincial Government at Provincial Disaster Risk Reduction Management Council o PDRRMC kung saan sa darating na linggo magkakaroon ng pinal na pag-uusap para sa SumVac 2018.
Ipinaliwanag pa ni Director Mangwag na magiging mas alerto ang bawat police station sa lalawigan at higit na pagtutuunan ng pansin ang mga lugar na may mga naganap nang krimen, pagkalunod at mga aksidente sa daan lalo na sa panahon ng semana santa.
Magkakaroon umano ng Road Safety Summit sa buwan ng Abril upang makita kung ano ang pagkukulang sa parte ng PNP, Law Enforcement tulad ng LTO, BFP, React Group, Radio Group at Provincial Government.
May mga structure team din umano na gagawin upang may regular na iikot sa bawat munisipalidad at ang paglagay ng Public Assistance Desk lalo na sa mga daan kung saan may koordinasyon na rin ito sa Provincial government.