Sa unang araw ng pag-arangkada ng Oplan Tabang COVID-19 Response ng RMN Networks, RMN Foundation Inc., at DZXL 558 Radyo Trabaho, umabot sa 16 na mga manggagawa ang nabiyayaan ng mga regalo sa CAMANAVA area ng Metro Manila.
Nabigyan ang mga ito ng isang special package na naglalaman ng sabon, toothpaste, alcohol, face shield, ilang Radyo Trabaho merchandises at isang raffle ticket para sa mountain bike na ipamimigay sa Agosto 28, 2020.
Isa sa mga nakatanggap ay si Ronald Lontoc na taga-Valenzuela City.
Aniya, malaking tulong ito sa kanyang pamilya dahil kapos ang kanyang budget upang makabili ng face shield at alcohol matapos siyang matanggal bilang construction worker dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa ngayon, gamit ang kariton, nagbebenta siya ng mga face mask sa kalsada ng Valenzuela.
Kung sakali aniya na siya ang makakuha ng mountain bike, malaking tulong ito para hindi na siya maglakad sa kaniyang paglalako.
Ang nasabing programa ay bahagi ng ika-68 anibersaryo ng Radio Mindanao Networks at ika-8 anibersaryo ng RMN Foundation Inc. katuwang ang Pfizer Philippines Foundation at ACS Manufacturing Corporation, makers of Shield bath soap at Unique toothpaste.