Ibinunyag ni presidential aspirant Senator Panfilo “Ping” Lacson ang ‘Oplan-Wasak’ o demolition job laban sa kanya ang inilunsad ng isang grupo na diumano’y sumusuporta sa ibang kandidato na tila natatamaan sa campaign tagline ni Lacson na “Ubusin Ang Magnanakaw” na madalas gamitin ng senador sa kanyang campaign rallies.
Base sa mga impormasyon na natanggap ni Lacson, isang political group ang gumagastos sa naturang demolition job upang sirain ang kanyang magandang imahe sa taumbayan.
Paliwanag ni Lacson na hindi na bago sa kanya ang mga ganitong uri ng harassment.
Matatandaan na target siya noon ng paninira at pekeng impormasyon na ipinakalat nina Antonio Luis Marquez alyas Angelo “Ador” Mawanay, Mary Ong alyas Rosebud, at noo’y Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines Chief Victor Corpus na kalaunan ay umamin sa kanilang kasinungalingan at humingi ng tawad kay Lacson.
Giit pa ni Lacson na sa buong career niya sa public service, halos almusal, pananghalian at panggabihan na niya ang mga natatanggap niyang death threats o smear campaigns kaya’t hindi na bago sa kanya ang ganitong uri ng paninira pero panahon na umano upang magising ang taumbayan sa katotohanan na ang korapsyon ang sumisira sa ating bansa.