Suportado ng Trabaho Partylist ang mga hakbang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapalakas ang mga Pilipinong magsasaka sa pamamagitan ng pagbura ng kanilang kautangan at paghandog ng iba’t ibang tulong pinansyal at makinarya.
Noong ipinagdiriwang ni Pangulong Marcos ang kanyang ika-67 na kaarawan, inihandog niya ang pagbura ng utang ng halos anim na libong magsasaka, bagay na tinutukan niya para mapalakas ang sektor ng agrikultura ng bansa.
Ayon sa grupo, layunin ng hakbang ng Pangulo na mapagaan ang kanilang pasanin at mapalakas ang sektor ng agrikultura.
Dagdag ng Trabaho Partylist, maaari rin tutukan ng pamahalaan ang pag-invest sa iba’t ibang sektor na maaaring sumuporta sa agrikultura, tulad na lang ng turismo.
Sa posibleng panukala ng Trabaho Partylist, maaaring palaguin ng pamahalan ang “farm tourism,” bagay na maaaring makapagbukas ng mas maraming trabaho at oportunidad sa sektor ng agrikultura at turismo.
Giit ng grupo, kasama sa mga prayoridad ng pamahalaan na mapalakas ang dalawang sektor na ito, kaya’t nararapat lang na bumuo ng planong pabor sa mga Pilipinong manggagawa.
Bukod dito, malaking tulong na rin aniya ang paghandog ng non-wage benefits sa mga manggagawa sa travel and tourism sector, isang panukalang isusulong ng Trabaho Partylist sa Kongreso para sa lahat ng sektor.