Oposisyon nagbigay ng magandang laban ayon sa Malacañang

Pinasalamatan ng Palasyo ng Malacañang ang mga kandidato ng Otso Diretso at ang mga supporters nito sa pagbibigay ng magandang laban nitong nakalipas na halalan.

 

Sa mensahe na ninilabas ni Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo ay sinabi nito na iginagalang nila ang anomang dissent o pagkontra sa administrasyon dahil ito ay nagpapalakas pa ng demokrasya ng ating bansa.

 

Pero sa bandang huli aniya ay mananaig parin ang gusto ng mamamayan kung saan pinasalamatan din ni Panelo ang mga bumoto sa pagpapakita ng kanilang suporta sa administrasyon.


 

Ipinakita aniya ngayon ng Pilipinas sa buong mundo na buhay na buhay ang demokrasya sa bansa na hindi naaapektuhan ng malakas na political noise.

 

Naniniwala din naman si Panelo na kahit tapos na ang halalan ay magpapatuloy parin ang mga pagkontra ng mga nasa oposisyon pero umaasa parin naman aniya sila na ihahayag ng oposisyon ang kanilang pagkontra ng hindi lumalabag sa batas at may paggalang sa mga inihalal ng taumbayan.

 

Binigyang diin din ni Panelo na iisa lang ang ating bayan at dapat magkaisa ang lahat para sa ikabubuti ng minamahal nating bansa.

Facebook Comments