Tiniyak ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na patuloy nilang babantayan ang mga magiging hakbang ng Ombudsman kaugnay sa 33 mga government officials na pinatawan ng suspensyon dahil sa kontrobersyal na pagbili ng mga overpriced na medical supplies mula sa kompanyang Pharmally Pharmaceutical Corp.
Ayon kay Pimentel, patuloy nilang imo-monitor ang mga aksyon ng Ombudsman hanggang sa magiging pinal na ang desisyon tungkol dito.
Sa palagay ni Pimentel, maaaring wala pang merito para sampahan ng asunto ang mga suspendidong opisyal, posible namang nakitaan ng Ombudsman na seryoso at may mga matitibay na ebidensya laban sa mga ito.
Nangangahulugan din aniya na ang preventive suspension sa mga opisyal ng gobyerno ay para hindi makaimpluwensya ang mga ito at makagambala sa bubuuhing kaso.
Pinuri naman ni Pimentel ang Ombudsman sa naging aksyon na patawan ng preventive suspensions ang mga opisyal na sabit sa overpriced na pagbili ng mga COVID-19 test kits mula 2020 at 2021.