Tiniyak ni Senator Risa Hontiveros na kanyang babantayan ang imbestigasyon ng Senado sa Mindoro oil spill na patuloy na sumisira ngayon sa kabuhayan at sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Ayon kay Hontiveros, mahigpit niyang i-mo-monitor ang mga mangyayari sa imbestigasyon hinggil sa oil spill mula sa lumubog na barkong MT Princess Empress na naglalaman ng 800,000 litro ng industrial na langis.
Nangako rin ang senadora na sisiguraduhin ang pagpapanagot sa mga opisyal na mapapatunayang responsible at nagpabaya sa nangyaring trahedya.
Samantala, personal na nagtungo ngayong araw si Hontiveros sa mga bayan ng Pola, Pinamalayan at Naujan Oriental Mindoro para magpaabot ng tulong sa kanyang mga kababayan na apektado ng sakuna sa karagatan.
Bukod sa mga bitbit na food packs ay nagpaabot din ng tulong pinansyal ang senadora sa mga Mindoreños.
Ang opisina ni Hontiveros ay nagpaabot ng higit sa ₱10 milyong halaga ng tulong sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan na apektado ng oil spill.