Kinumpirma ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang naunang pahayag ni Senator Risa Hontiveros na hindi nila susuportahan ang Charter change (Cha-cha).
Sa ginanap na pulong balitaan kahapon ay iginiit ni Hontiveros na sila sa minorya ay tututol sa Resolution of Both Houses No. 6 (RBH6) at mangangailangan lamang ng pitong bilang para hindi na umusad pa ang panukala.
Ayon kay Pimentel, mariin nilang tinututulan ang Cha-cha sa maraming dahilan.
Una ay hindi aniya napapanahon ang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Ikalawa ay hindi aniya malinaw ang nagiging proseso sa pagdinig ng Cha-cha sa Senado.
Ikatlong rason ng oposisyon ay wala namang malaking ipagbabago sa substance ng saligang batas sa isinusulong na amyenda at panghuli ay kwestyunable ang motivation o dahilan ng pagsusulong ng RBH6 na hinihinalang reaksyon lamang sa kontrobersyal na People’s Initiative.