Oposisyon sa Senado, tutol na mailipat sa Office of the President ang pangangasiwa sa PhilHealth

Mariing tinututulan ni Senator Risa Hontiveros ang posibilidad na mailipat ang pangangasiwa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Office of the President (OP).

Ito ay matapos na ihayag ng Department of Justice (DOJ) na wala silang nakikitang legal issue sakaling mailipat sa tanggapan ng pangulo ang PhilHealth na isang attached agency ng Department of Health (DOH).

Giit ni Hontiveros, ‘illogical’ o hindi makatwiran na ililipat ang PhilHealth sa OP dahil institutionally ay hindi naman eksperto sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law (UHC) ang tanggapan ng pangulo kundi ito ay nasa mandato ng public health authorities kaya nararapat lamang na manatili ito sa ilalim ng DOH.


Babala ng senadora, kung ililipat sa tanggapan ng pangulo ang PhilHealth ay lalong hindi matutugunan ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga mamamayan.

Aniya pa, mula noong magsimula ang pandemya ay maraming kailangang isulong na reporma sa health care sector na mas nangangailangan ng tulong at suporta sa ehekutibo partikular sa OP.

Tanong tuloy ni Hontiveros, hindi ba kumpiyansa ang pangulo sa itinalaga niyang DOH secretary kaya naisipang isailalim sa kanyang tanggapan ang PhilHealth.

Dagdag pa ng mambabatas, pinakamabuting garantiya na manatili ang PhilHealth kung saan ito nakamandato upang matiyak na hindi magagamit sa campaign propaganda ng pamahalaan ang kontribusyon dito ng mga miyembro.

Facebook Comments