Opposition congressmen, inapela sa Supreme Court ang constitutionality ng martial law sa Mindanao

Manila, Philippines – Hiniling ng mga opposition congressmen sa Supreme Court na baliktarin ang nauna na nitong desisyon hinggil sa pagdedeklarang naaayon sa Konstitusyon ang umiiral na martial law sa Mindanao.

Sa 54 na pahinang motion for reconsideration na inihain ni Rep. Edcel Lagman nais nitong muling i-review o pag-aralan ng Korte Suprema ang sinasabing factual bases sa pagdedeklara ng batas militar sa Mindanao.

Matatandaan nuong Hulyo a-4 sa botong 11-3-1 mayorya ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang bumoto pabor sa proclamation number 216 ni Pangulong Duterte.


Sa petisyon ni Albay Rep. Edcel Lagman, matapos nilang basahin at pag-aralan ang majority decision ng SC ay kinakitaan nila ito ng mga serious errors.

Katulad na lamang aniya ng hindi pagbibigay bigat ng Supreme Court sa itinatadhana ng Section 18 ng Article VII ng Constitution na kapangyarihan nito na pag-aralan kung sapat ba ang factual bases para sa deklarasyon ng martial law at suspensyon ng privilege of the writ of the habeas corpus.

Sa naging desisyon ng mayorya ng mga mahistrado ng Supreme Court sinabi ni Lagman na ipinaubaya ng mga ito sa pangulo ang pagdedeklara ng batas militar dahil ito raw ay may mga intelligence information para sa deklarasyon ng martial law.

Ang pasya anya ng SC ay nagsasarado ng pintuan upang pag-aralan nito ang factual bases ng martial law declaration.

Maliban kay Lagmab kabilang din sa mga petitioners ay sina Representatives Tomas Villarin, Gary Alejano, Emmanuel Billones at Teddy Baguilat, Jr.

Facebook Comments