Opposition senator, inaming nainsulto matapos na pagsabihan ng China si PBBM

Inamin ni Senator Risa Hontiveros na nainsulto siya nang balaan ng China si Pangulong ‘Bongbong’ Marcos matapos batiin ang bagong halal na presidente ng Taiwan.

Ito ay dahil hindi tulad sa Pilipinas ay hindi nagbigay ng negatibong reaksyon ang China sa Singapore nang batiin din ang nanalong Taiwan President gayong kabilang ang Singapore sa kumikilala sa One China Policy.

Ayon kay Hontiveros, kahit siya ay nabibilang sa oposisyon, bilang Pilipino at policymaker ay nainsulto pa rin siya sa pahayag ng China sa pangulo ng bansa.


Ganito rin aniya ang kanyang naramdaman sa mga naunang banta ng China lalo na sa pagdidikta ng mga ito kung ano ang dapat sabihin, ikilos at hindi dapat gawin ng Pilipinas lalo na sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Giit ni Hontiveros, walang ‘K’ o karapatan ang China na manduhan ang Pilipinas sa kung ano ang gagawin lalo’t sarili nating pambansang interes ang pinag-uusapan.

Dagdag ng mambabatas, mahalaga na palaging sikapin ng bansa at ng gobyerno na ilagay sa kanyang dapat na lugar ang “giant neighbor” na China at mas lalo pang lakasan ang ating loob dahil palaging inaakala ng China na tayo ang “weak link” sa South East Asia region.

Facebook Comments