Opposition Senators, iginiit sa liderato ng Senado na padaluhin sa session si Senator De Lima

Manila, Philippines – Muling kinalampag ng Senate Minority Bloc si Senate President Koko Pimentel na kumilos para iapela sa korte na padaluhin sa session si Senator Leila De Lima na nakapaliit sa PNP Custodial Center.

Sa inihaing senate resolution 505 ay iginiit nina Senators Franklin Drilon, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan at Antonio Trillanes IV na hindi naman “flight risk” si Senator De Lima dahil boluntaryo nitong isinuko a sarili sa mga otoridad.

Ikinatwiran ng nabanggit na mga Senador na dapat lang pahintulutan si De Lima na magampanan ang kanyang legislative duties bilang pagtupad sa mandato na ipinagkaloob sa kanya ng mamamayan at ginagarantiyahan ng ating saligang batas.


Kasama anila sa mandatong itong ang paglahok ni De Lima sa deliberasyon para sa mga mahalagang panukala.

Ihalimbawa pa ng Minority Bloc ang ilang Senador noon na pinayagang magpyansa para magampanan ang kanilang senatorial duties katulad nina dating Senators Justiniano Montano at Juan Ponce Enrile.

Samantala, ngayong umaga ay ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon ang ika-sampung pagdinig sa mga anomalya sa Bureau of Customs.

Habang mamaya alas-sais naman ng gabi ay sisimulan ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumuan ni Senator Panfilo Ping Lacson ang pagdinig sa hazing at pagkamatay ng freshman UST kaw student na si Horacio Castillo III.

Facebook Comments