Opposition senators, ikinadismaya ang SC ruling kontra sa hiling ni Senator De Lima

Manila, Philippines – Ikinalungkot nina opposition Senators Franklin Drilon, Antonio Trillanes IV at Risa Hontiveros ang pagbasura ng Supreme Court sa hiling ni Senator Leila De Lima na pagbawi sa arrest order na inilabas laban sa kanya ng Muntinlupa Regional Trial Court.

Ayon kay Drilon na siya ring leader ng minority group, Ombudsman at hindi ang Muntinlupa RTC ang may hurisdiksyon na dinggin ang kaso ni De Lima.

Pero ayon kay Drilon, bilang isang abogado at dating justice secretary ay nirerespeto niya ang pasya ng Kataas Taasang Hukuman kahit hindi niya ito sinasang-ayunan.


Giit naman ni Senator Trillanes, patunay ito ng political persecution at injustice na ginagawa ng administrasyong Duterte Kay Senator De Lima.

Dagdag pa ni Trillanes, ipinapakita din nito na manipulado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tatlong sangay ng pamahaalan.

Si Senator Hontiveros naman ay tiniyak na sa kabila ng nasabing SC ruling ay magpapatuloy pa rin ang kanilang laban para palayain si Senator Leila sa pagkakapiit batay sa mga peke at walang basehang kaso.

Nanawagan din si Hontiveros sa lahat ng mamamayang nagmamahal sa demokrasya at karapatang pantao na patuloy nilang ibigay ang kanilang suporta kay Senator Leila.

Giit ni Hontiveros, ngayong panahon ng dilim at lagim, ay dapat ituloy ang kampanya para sa katotohanan at katarungan.

Facebook Comments