Dumipensa ang Office of the Press Secretary (OPS) sa ginawang pagtanggi o hindi pagtanggap sa accreditation ng Hataw tabloid reporter para makapag-cover ito sa mga events ng presidente.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, ipinaliwanag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na kaya hindi tinanggap ang accreditation ng tabloid reporter ay dahil nagbitaw ito ng mga anti- lesbian, gay, bisexual, transgender, queer (LGBTQ) remarks.
Ayon kay Cruz-Angeles, ang pang-iinsulto ng reporter ay ginawa nito sa mga kasamahan nila sa OPS at mga opisyales at ang ginamit na salita ay mga anti-LGBTQ na salita.
Hindi aniya kinikilala ng kanyang opisina ang accreditation ng mamamahayag dahil sa paglabag umano nito sa batas na “Safe Spaces Act”.
Sa kabilang banda ay sinabi rin ni Cruz-Angeles na ang kaso ng naturang reporter ay ongoing pa dahil ito ay umapela at ipinasa na ang isyu sa legal affairs ng Malakanyang.
Sa Malacanang aniya dalawa ang proseso para ma-accredit ang isang reporter.
Una ay dapat aprubahan ng press corps ang aplikasyon at pangalawa ay dapat aprubahan din ng Office of the Press Secretary.