Opsyonal na pagsusuot ng face mask sa mga paaralan, magdudulot ng panganib sa kalusugan ng mga guro at mag-aaral; kakulangan ng health facilities at professionals, dapat muna unahin ng DepEd!

Ibinabala ng isang grupo ng mga guro na magdudulot ng panganib sa kalusugan ng mga guro at mag-aaral lalo na ang mga nasa masikip na silid-aralan ang pagpayag ng Department of Education (DepEd) na boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask sa mga paaralan.

Sinabi ni House Deputy Minority Leader at Alliance of Concerned Teachers (ACT) Representative France Castro na dapat pa rin magpatupad ng minimum health standards ang DepEd sa mga paaralan, lalo na ang pagsusuot ng face mask.

Punto pa ng kongresista, hindi na nga nagbibigay ang DepEd ng pondo na pantulong sa mga guro at estudyanteng nagpopositibo sa COVID-19.


Hindi na rin aniya nasusunod ang social distancing at maayos na bentilasyon sa mga paaralan lalo na sa masikip na classroom.

Kaya naman, iginiit ni Castro na dapat unahin ng DepEd na tugunan ang kakulangan sa mga health facilities at professionals sa mga paaralan, kabilang na rin ang problema sa mga bentilasyon sa mga silid-aralan.

Facebook Comments