Nauubusan na ng options o dapat na gawin ang bansa kasunod ng panibagong insidente ng pambobomba ng tubig at pagbangga ng China Coast Guard (CCG) sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea.
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, “running out of options na” o nauubusan na ng solusyon ang pamahalaan at nagiging kawawa lamang ang mga tropang nabu-bully ng China.
Pero sinabi rin ni dela Rosa na hindi pwedeng lalaban agad kapag umabot sa sukdulan ang pangha-harass ng China.
Mayroon naman aniyang “judgment call” na tinatawag para ma-preserba ang buhay at dapat na sundin dito ang rules of engagement hanggang sa puntong kailangan talagang depensahan ang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng armas kung kakailanganin.
Sinabi rin ni Dela Rosa na maaaring makipag-usap si Pangulong Bongbong Marcos sa presidente ng China upang may patunguhan ang pagsisikap ng pamahalaan na mapahupa ang tensyon sa West Philippine Sea gayunman hindi naman madidiktahan ang pangulo na siyang nagdisenyo ng foreign policy ng bansa.