Itinakda na ng Supreme Court ang oral arguments kaugnay ng Anti-Terrorism law matapos makansela dahil sa banta ng COVID-19.
Sa isang resolution, sinabi ng SC na itutuloy ang oral arguments sa February 2 at hihintayin hanggang matapos ang proceedings bago aksyunan ang request ng petitioners na itigil ang pagpapatupad ng nasabing batas habang nakabinbin ang kaso.
Sa parehong resolusyon, ibinasura ng korte ang mosyon ni Solicitor General Jose Calida na humihiling na kanselahan ang oral arguments dahil sa agam-agam na makakadagdag ito sa pagkalat ng COVID-19 kabilang na ang bagong variant ng virus.
Una nang ni-reschedule ng korte ang oral arguments mula January 19 patungong February 2 matapos na magpositibo ang isang assistant solicitor general at staff sa COVID-19.
Isinulong ng OSG na ipagpaliban ang arguments pero nagdesisyon ang korte na magsagawa ng in-court oral arguments at limitadong bilang ng mga abogadong sasama sa argumento at iba pang attendees.
Kailangan naman ng mga ito na magpresenta ng negative COVID-19 test result na kinuha 72 oras bago ang oral arguments.
Nabatid na umabot sa 37 petisyon ang inihain na kumukuwestyon sa Anti-Terrorism law.