Friday, January 23, 2026

Oral arguments sa mga petisyong kumukuwestiyon sa ilang probisyon ng GAA, isasagawa ng Korte Suprema

Magsasagawa ang Korte Suprema ng oral arguments kaugnay sa consolidated o pinagsamang petisyon na kumukuwestiyon sa ilang probisyon ng General Appropriations Act (GAA).

Ayon sa SC, itinakda ang pagdinig sa petisyon para sa Certiorari at Prohibition sa ilalim ng Rule 65 ng Rules of Court sa April 8 at April 22 sa Session Hall sa Baguio City.

Kinukuwestiyon dito ang unprogrammed funds at Special Accounts sa pondong nakapaloob sa pambansang budget para sa taong 2024, 2025, at ngayong 2026.

Hiniling ng petitioners na binubuo ng mga mambabatas, taxpayer at concerned citizen na ipawalang-bisa ang ilang pagbabago na ginawa ng mga Bicameral Conference Committee na nagresulta sa paglobo ng national budget sa loob ng tatlong magkakasunod na taon.

Bukod sa mga pagkwestiyon kung naaayon sa Konstitusyon, ipinadedeklara din na labag sa Saligang Batas ang pagsingit ng halos kalahating trilyong piso sa 2024 GAA ng Bicam.

Pinakahuli naman ang inihain ng ilang mambabatas na kinuwestiyon ang legalidad ng unprogrammed appropriations sa 2026 GAA at hiniling na ipawalang bisa ang mga probisyong nagpapahintulot dito.

Facebook Comments