Oras ng curfew sa Las Piñas City, binago na

Binago na ng pamahalaang lungsod ng Las Piñas ang oras ng ipinatutupad nilang curfew hour.

Sa inilabas na City Ordinance No. 1696- 20 series of 2020, ang bagong curfew hours sa lungsod ay simula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

Ito’y bunsod na rin sa hiling ng kanilang residente na maagang pumapasok para agad na makasakay sa itinalagang pampublikong transportasyon.


Ayon kay City Administrator Rey Balagulan, ipinag-utos ni Mayor Imelda Aguilar ang pagbabago ng curfew hours kung saan matatandaan na ipinatupad nila ang alas 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga na curfew sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Bagamat nabago ang oras ng curfew, ina-abisuhan pa rin ang publiko na ipinapatupad pa rin ang ilang city ordinance tulad ng pagsusuot ng face mask, social distancing at ang pagbabawal sa pagtambay sa labas ng kanilang bahay.

Ipinag-utos din ni Aguilar ang pagbubuo ng task force na pawang mga tauhan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) at Las Piñas PNP ang miyembro para magsagawa ng inspeksyon sa mga dine-in restaurant at fast food chain.

Ito’y upang masiguro na nasusunod ang inilatag na health protocols ng Department of Trade and Industry (DTI) kabilang na rin dito ang pagtanggap nila ng mga customer na nasa 30 percent capacity lang ang bilang.

Nais din malaman ng Alkalde kung nasusunod din ang pagsasagawa ng disinfection ng mga dine-in restaurant partikular sa loob ng mga mall kung saan mayroon din dapat silang thermal scanners at rubbing alcohol para sa kanilang mga customer.

Facebook Comments