Oras ng klase sa mga paaralan, itinutulak na ‘wag masyadong maaga

Manila, Philippines – Inihain ni Bacolod City Representative Greg Gasataya ang panukalang batas na magtatakda ng oras ng klase sa lahat ng mga paaralan sa bansa.

Sa inihaing House Bill 569, hindi dapat maging mas maaga sa alas-otso ng umaga ang oras ng pasok sa eskuwelahan.

Ito ay nabuo kasunod na rin ng pakikipagdayalogo sa mga estudyante at magulang sa kanyang distrito kaugnay sa kasalukuyang sitwasyon ng edukasyon.


Base na rin sa mga pag-aaral sa ibang bansa, mas napagbubuti ang performance ng estudyante sa eskuwelahan kapag hindi maaga ang oras ng pasok at nagiging produktibo ang magulang sa trabaho dahil hindi na kailangang gumising ng mas maaga.

Ipinaliwanag ni Gasataya na napapanahon nang magtakda ng adjustment sa school hours dahil sa lagay ng transportasyon at mental health sa bansa, mabigat na workload sa ilalim ng K-12 curriculum at accessibility ng mga paaralan.

Bahagi aniya ito dapat ng polisiya ng pamahalaan na magtakda ng komprehensibong hakbang tungo sa health development sa mga paaralan at pagtutok sa kaligtasan at kalusugan ng mga kabataan.

Facebook Comments