Makalipas ang tatlong taon, aalisin na sa mga Simbahan ang pagdarasal ng Oratio Imperata laban sa COVID-19.
Ito ang inanunsyo ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng naturang sakit.
Imbes na Oratio Imperata, ipinag-utos ng CBCP na palitan na ito ng Litany of Gratitude after COVID-19 o pasasalamat sa Panginoon mula February 11 hanggang February 22, araw ng Ash Wednesday o pagpapahid ng abo.
Ang Oratio Imperata ay unang ipinag-utos na dasalin araw-araw sa mga misa sa Simbahan noong January 2020 dahil sa pagkalat ng COVID-19 pandemic.
Noong February 2021, nagkaroon ng revision sa Oratio Imperata kung saan isinama sa pagdarasal ang pagkakaroon ng mahusay na bakuna laban sa virus at matapos na ang Health Crisis sa mundo.