Cauayan City, Isabela- Posibleng makatanggap ng ayuda ang mga maliliit na negosyanteng isa rin sa mga apektado sa harap ng pandemya matapos maipasa ang panukala sa ikalawang pagbasa sa konseho ng Lungsod ng Cauayan.
Ayon kay City Councilor Edgar Atienza, sakaling tuluyan ng maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang *‘2020 MSMEs Development and Assistance Program’* ay magkakaroon na ng kongkretong tulong sa mga maliliit na negosyante partikular ang mga manufacturing at processing business sa tulong ng DTI at Lokal na Pamahalaan.
Kinakailangan lamang na magparehistro ang mga maliliit na negosyante kung tuluyan ng maipasa ang ordinansa na higit na babalangkas para mga maapektuhang negosyante sa mga panahon pang dadaan.
Katuwang ang City Economic and Promotion Office ang siyang direktang mangangasiwa para sa koordinasyon sa ahensya ng gobyerno para sa pagbibigay ng tulong sa mga negosyante.
Nakapaloob sa panukala ang pagbibigay ng dagdag kaalaman sa mga negosyante gaya nalang ng tamang pagpapa-iikot ng puhunan, makabagong paraan ng packaging, pagbibigay ng libreng seminar, financial literacy maging ang pagtulong na rin ng DTI sa financial.
Bukas din ang iba pang ahensya ng gobyerno para sa maisama sa mga tutulong sa mga maliliit na negosyante.
Batay sa inisyal na datos, nasa mahigit 100 MSMEs ang kabilang sa 2.6 % na bumubuo sa mga rehistradong negosyo sa lungsod.