Ordinasa na magkakaloob ng financial assistance para sa pamilya ng mga pumanaw na residente sa lungsod ng Maynila, ipapatupad na ng lokal na pamahalaan

PHOTO: Manila PIO/Facebook

Pinirmahan na ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang isang ordinansa na magbibigay ng tulong pinansiyal sa pamilya ng mga pumanaw na residente sa lungsod ng Maynila.

Ang naturang programa ay tinawag na “Unang Abuloy ng Maynila” kung saan nakapaloob ito City Ordinance No. 9019.

Sa ilalim ng naturang programa, tatanggap ang naulilang pamilya ng ₱3,000 na tulong mula sa Manila local government unit (LGU).


Nabatid na kinakailangan na botante sa Maynila ang mga nasawi o kung menor-de-edad naman ang magulang nito ay rehistrado ang siyang tatanggap ng death benefit assistance.

Kaugnay nito, inatasan ni Mayor Lacuna ang bawat barangay sa pamamagitan ng Manila Barangay Bureau at Liga ng mga Barangay na iulat o ipasa ang mga pangalan ng mga namayapa mula District 1 hanggang 6.

Ang naturang ordinasa naman ay agad na ipapatupad base na rin sa pahayag ni Atty. Princess Abante na tagapagsalita ng alkalde.

Facebook Comments