Cauayan City, Isabela- Aabot sa mahigit P1 milyon ang halaga ng inilunsad na Organic Farming ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) sa Brgy. Dibuluan, San Mariano, Isabela.
Nakapasailalim ang proyekto sa Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster (PRLEC) ng NTF-ELCAC na binigyang katuparan ng TESDA katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng San Mariano, NCIP, kasundaluhan ng 95th Infantry Battalion maging ang kapulisan sa Isabela.
Magugunita na ang nasabing barangay ay binansagan ng NPA na ‘Bahay’ dahil sa nagawa nilang ‘Shadow Government’ noon sa lugar.
Sa barangay din na ito narekober ng kasundaluhan ang pitong (7) drum na pampasabog at matataas na kalibre ng baril ng NPA.
Maliban sa lokal na komunistang gobyerno na naipatayo ng NPA sa lugar, dito rin ginaganap ang mga anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (CPP) at ng kanilang armado na NPA.
Upang masigurado ang seguridad ng lugar, ang Gobyerno ay nagpatayo ng CAFGU Patrol Base kasama ang mga regular na sundalo gayundin ang pagsisiguro na ang patuloy na pagunlad ng lugar, ang Barangay Dibuluan ay kabilang sa mga barangays na nairekomenda sa nasyonal upang magbenepisyo sa iba’t ibang proyekto ng pamahalaan na nagkakahalaga ng P20 milyon.
Dahil sa malaking pagbabago ng lugar, ang mga residente ay sobrang nagpasasalamat sa pamahalaan dahil sa tuloy-tuloy na tulong sa kanila.