Naniniwala si Herminio “Sonny” Coloma, isang kolumnista at dating kalihim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na mahalaga ang pagkakaroon ng organisasyon sa pagbibigay ng akreditasyon sa mga vlogger na makapag-cover sa Malacañang.
Ayon kay Coloma, maselan ang pag-cover sa mga aktibidad ng pangulo lalo na sa aspeto ng seguridad.
Bagama’t itinuturing nang bahagi ng information ecosystem ang mga blogger at vlogger dahil sa laganap ang paggamit ng social media, mahalaga pa rin para kay Coloma na kasapi ng isang organisasyon ang sinumang magko-cover sa mga aktibidad ng pangulo.
Ito ay upang maging mas madali ang pagpapairal ng disipilina at accountability sa pagko-cover sa palasyo.
Una rito, sinabi ni Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles na magiging prayoridad niya sa pag-upo sa PCOO ang pagbibigay ng akreditasyon sa mga vlogger o content creator na makapag-cover sa mga aktibidad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Malacañang.
Kabilang sa tinitingnang key factors sa pag-accredit sa mga vloggers ay mataas na engagement at dami ng followers sa social media.