Inirekomenda ni Marikina Rep. Bayani Fernando na ibalik ang mga dating programa ng MMDA upang makahanap ng angkop na estratehiya para solusyunan ang matinding traffic sa EDSA.
Isa na rito na ipinababalik ay ang muling pagpapatupad ng Organized Bus Route (OBR) na unang ipinatupad sa EDSA noong 2003.
Sa ilalim ng nasabing sistema, maglalagay ng pitong istasyon na magsisilbing dispatched area ng mga bus kung saan ang MMDA ang magkokontrol ng lalabas o bibiyaheng mga bus na nakadepende sa dami ng mga pasahero sa EDSA.
Sa ganitong paraan ay hindi na bababad at tatagal sa EDSA ang mga bus lalo na sa mga oras na wala namang gaanong pasahero.
Tiniyak naman na hindi ito ikalulugi ng mga kompanya dahil ang limang biyahe ay pupuwedeng maging apat na biyahe pero punuan naman ng mga pasahero ang bus.
Idinagdag pa ng kongresista na palalagyan ng digital camera at RFID ang mga bus para matukoy ang lokasyon kontra sa mga pasaway na nagka-cutting trip o hindi nagpupunta sa bus station.