Organized crime group na Al Khobar, posibleng nasa likod ng pagsabog sa North Cotabato ayon sa PNP

May nakikita na ang Philippine National Police (PNP) na responsable sa pagsabog sa isang bus sa North Cotobato kahapon na ikinasawi ng isang tao at ikinasugat ng tatlong iba pa.

Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Ildebrandi Usana, lumalabas na extortion ang motibo sa krimen ng local organized crime group na Al Khobar.

Aniya, dahil dito inutos na ni PNP Chief Police General Debold Sinas sa investigative units ng Police Regional Office 12 na tumulong sa local police para mabigyang linaw ang krimen na naganap bandang ala-1:00 kahapon sa waiting shed sa Barangay Sibsib, Tulunan, North Cotabato.


Batay sa report, improvised explosive device ang ginamit sa pagpapasabog.

Sa imbestigasyon, bago nangyari ang pagsabog ay may tawag mula sa nagpakilalang tagapagsalita ng Al Khobar Group ang humingi ng pera sa Yellow Bus Line at nagbanta IED attack.

Ang nasawi kahapon ay isang fruit vendor na si Gina Paunon.

Kinilala naman ang mga nasugatan na sina Ryan Panibayo, Lorester Hilbero at Kenneth Grace Alarin.

Nagkaroon naman ng blast trauma matapos masaktan ang 3 iba sa lugar na sina Edwardo Odango, Kent Lloyd Senadero at Rodel Secur.

Facebook Comments