BAYAMBANG, PANGASINAN – Idinaos ang pinakaunang Orientation and Seminar on the Rights of Women para sa kasalukuyang taon sa Barangay Darawey at Wawa ng bayan ng Bayambang.
Sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), layunin ng aktibidad na ito na magtatag ng ligtas na komunidad para sa Bayambang, bigyan ng karagdagang impormasyon ang mga kalahok ukol sa pagtataguyod ng ligtas na komunidad, at palawakin ang tungkulin ng mga kalahok sa pagpapaigting ng mga karapatan ng mga kababaihan at mga bata.
Nakilahok ang 25 na mga opisyales mula sa Barangay Darawey, at 25 na opisyales rin sa Barangay Wawa. Pinag – usapan dito ang iba’t ibang uri ng karahasang pangsekswal sa mga kababaihan at kalalakihan.
Kalakip nito ang iba’t ibang parusa sa pagsagawa ng nasabing gawain, at ang mga maaaring gawin ng mga opisyales ng barangay upang maiwasan ang nasabing karahasan.
Tinalakay rin ang paksang child custody kung saan kasama dito ang mga paraan at maaaring solusyon upang dumating sa magandang pagkakaunawaan sa pagitan ng mga magulang.
Inaasahan na magpapatuloy ang aktibidad hanggang Nobyembre ng kasalukuyang taon.