
Planong buhayin muli ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang orihinal na papel ng National Food Authority (NFA) na pangunahing buyer ng lokal na palay sa mga magsasaka.
Ayon sa Pangulo, nais niyang ibalik ang sistemang pinairal ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noon kung saan bumibili ang NFA ng palay tuwing anihan para mapanatili ang presyo, at naglalabas ng bigas sa merkado tuwing lean season para hindi tumaas ang halaga nito.
Sa mga nakalipas kasi na taon, nalimitahan ang mandato ng NFA sa buffer stocking at pag-angkat ng bigas, matapos ipatupad ang Rice Tariffication Law.
Paliwanag ng Pangulo, dapat mas aktibo ang papel ng NFA sa lokal na merkado.
Kung maibabalik aniya ang sistema ay makatutulong ito na masigurong may sapat na kita ang mga magsasaka at may abot-kayang bigas para sa mga mamimili.
Sa kasalukuyan, pinag-uusapan na ng administrasyon kung paano maisasakatuparan ang pagbabalik sa lumang sistema, kabilang ang posibleng pagtatakda ng minimum na presyo sa pagbili ng palay at pagpapahusay sa mga pasilidad ng NFA.









