Ormoc Airport, balik-operasyon na ngayong araw

Manila, Philippines – Balik-operasyon na ngayong araw ang Ormoc Airport matapos makumpleto ng Department of Transportation at Civil Aviation Authority of the Philippines ang inspeksyon sa paliparan, kabilang ang runway at terminal building nito kasunod ng magnitude 6.5 na lindol sa Leyte.

Sa isang advisory, sinabi ni Undersecretary for Aviation Manuel Skee Tamayo na kumpleto na rin ang painting sa displaced threshold markings upang magbabala sa mga eroplano kaugnay sa napinsalang bahagi ng runway.

Pero sa advisory mula sa Cebu Pacific, kailangan muna nilang gumawa ng sariling inspeksyon sa Ormoc Airpot bago ibalik ang arawang Cebu-Ormoc-Cebu flight.


Ito ay upang matiyak na pumasa sa operational requirement ng airline company ang kondisyon ng paliparan.

Samantala, sa impormasyon na natanggap ng CAAP Operations Rescue and Coordinating Center ay walang pinsala sa Calbayog, Catarman at Tacloban Airport na regular na nag-ooperate ng commercial flights.

Wala ring naitalang pinsala sa iba pang paliparan sa Biliran, Borongan, Catbalogan, Guiuan, Hilongos at Maasin.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558

Facebook Comments