Nagsimula na ngayon ang ika-10 pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersyal na pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporations.
Hindi sumipot si Krizel Grace Mago ang opisyal ng Pharmally na umamin sa nakaraang pagdinig na bukod sa pinalitan ang production date ay substandard, madumi, yupi-yupi ang face shields na idineliver ng Pharmally sa gobyerno.
Nagpahayag ng paalala si Senator Risa Hontiveros, dahil matapos ang nakaraang pagdinig ay hindi na ito nakita at hindi na rin makontak.
Dahil dito ay inatasan ni Committee Chairman Senator Richard Gordon ang Senate Sergeant-at-Arms na hanapin si Mago.
Ayon kay Gordon, mahalagang witness si Mago sa kanilang imbestigasyon lalo’t marami siyang nalalaman ukol sa Pharmally.
Present naman sa hearing si Pharmally Director Linconn Ong na nasa kustodiya ng Senado.
Humarap sya sa hearing kahit na may sulat sa komite ang abogado niya na si Atty. Ferdinand Topacio na ma-excuse na siya sa lahat ng pagdinig.