OSG, aminadong nakarating na sa kanilang kaalaman ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC prosecutors sa sitwasyon sa Pilipinas

Kinumpirma ni Solicitor General Menardo Guevarra na nakatanggap sila ng impormasyon na may basbas na ang International Criminal Court (ICC) prosecutors mula sa pre-trial chamber ng ICC para ituloy ang imbestigasyon sa kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas.

Gayunman, nilinaw ni Guevarra na wala pa silang natanggap na opisyal na kopya ng kautusan.

Tiniyak din ni SolGen. Guevarra na gagawin nila ang lahat ng ligal na pamamaraan para mai-akyat sa ICC ang naturang isyu partikular ang pag-apela sa ICC appeals chamber.


Iginiit pa ni Guevarra na ang sariling imbestigasyon at pag-usad ng judicial process sa Pilipinas ang dapat na manaig lalo na’t nabigyan naman ng katarungan ang mga biktima ng war on drugs.

Magugunitang una nang inimbestigahan ng ICC prosecutors ang magkakasunod na patayan sa bansa kaugnay ng naging kampanya kontra iligal na droga sa ilalim ng Duterte administration.

Facebook Comments