Pumalag ang palasyo sa mga banat laban kay Office of the Solicitor General (OSG) jose calida at kay National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba.
Kasunod ito ng mga batikos sa OSG at NTC kung bakit hindi nabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN dahilan para hindi muna makasahimpapawid ang TV network.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Atty. Harry Roque, hindi pine-pressure ni OSG Calida ang NTC para hindi mabigyan ng provisional authority ang ABS-CBN
Aniya, hindi rin basta basta maiimpluwensyahan ng sinuman si NTC Commissioner Cordoba.
Kasabay nito, nanindigan ang Palasyo na walang kakayahan si Pangulong Rodrigo Duterte para i-reverse o baliktarin ang naging desisyon ng NTC.
Ang nasabing desisyon aniya ay quasi-judicial body tulad ng NTC ay maaari lamang kwestyunin sa korte.
Sinabi pa ni Roque na kung nasa kapangyarihan lamang ng Pangulo ang appellate jurisdiction ay malamang nanghimasok na ito sa desisyon ng NTC.
Pero posible aniyang maharap si Pangulong Duterte sa paglabag sa Code of Conduct for Government Employees at graft kung manghihimasok sa desisyon ng NTC.