
Nilinaw ng Malacañang na normal lamang ang naging hakbang ng Office of the Solicitor General (OSG) na muling tumayo bilang abogado ng gobyerno sa kaso nina Senador Bato dela Rosa at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Korte Suprema.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tungkulin ng OSG na kumilos ayon sa batas at sa mandato nito, nang walang pinoprotektahang personal o pulitikal na interes.
Pahayag ito ng Palasyo matapos hilingin ng OSG sa Korte Suprema na tanggihan ang kahilingan ni dela Rosa para sa temporary restraining order laban sa umano’y warrant of arrest mula sa International Criminal Court.
Paliwanag ng OSG, wala pang malinaw na banta o aktwal na aksyon ng pag-aresto kaya walang basehan ang TRO.
Giit ng Palasyo, ginagampanan lang ng OSG ang trabaho nitong itama kung ano ang dapat itama sa ilalim ng batas.
Ipinunto rin ng Castro na dati nang dumistansiya ang dating Solicitor General na si Meynard Guevarra sa kaso, pero kamakailan ay inanunsyo ni Solicitor General Darlene Berberabe na babalik ang OSG bilang counsel ng gobyerno para sa mga kasong nakabinbin sa Korte Suprema laban kina dela Rosa at Duterte na isang malinaw na pagbalik sa orihinal nitong tungkulin.









