Hindi na maghahain ng apela ang Office of Solicitor General (OSG) sa International Criminal Court (ICC) sakaling hindi pumabor sa Pilipinas ang magiging desisyon nito kaugnay sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, ginawa na ng pamahalaan ang lahat ng magagawa nito para sagutin ang mga akusasyon tungkol sa extra judicial killings.
Sa darating na July 18, inaasahang ilalabas ng ICC ang desisyon nito kung dapat bang ituloy ang kanilang imbestigasyon sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ngunit sabi ni Guevarra, hindi siya makadadalo sa judgment day dahil nagkataon na siya ay nasa Washington DC sa Amerika para sa investor state dispute arbitration.
Gayunpaman, tiwala ang OSG na papabor sa Pilipinas ang magiging desisyon ng ICC kaugnay sa mga alegasyon ng EJK.
Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, na hindi na sasali ang Pilipinas sa anumang hakbang ng ICC na may kinalaman sa extra judicial killings.