OSG, maghahain ng mosyon sa korte para arestuhin ang mga consultant ng mga rebeldeng grupo

Manila, Philippines – Matapos kanselahin ng gobyerno ang backchannel talks sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front, hihilingin ng Office of the Solicitor General sa mga korte na iutos ang pag-aresto sa mga consultant ng rebeldeng grupo na nahaharap sa mga kasong kriminal.

Ayon kay Solicitor General Jose Calida, maghahain sila ng kaukulang mosyon sa mga korte para kanselahin ang bail bond ng mga consultant ng NDF, iutos ang muling pag-aresto sa kanila at muli silang ibalik sa kulungan.

Ginawa ni Calida ang hakbang matapos na kumpirmahin ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na hindi matutuloy ang backchannel talks sa NDF na gagawin sana sa Yuropa sa mga susunod na araw.


Ito ay kasunod na rin ng ginawang pag-atake ng New People’s Army sa mga myembro ng Presidential Security Group sa Arakan, Cotabato.

Paliwanag ni Calida, ang pansamantalang kalayaan na ibinigay ng mga hukuman sa mga NDF consultant ay may kaakibat na mga kondisyon at kasama na rito ang pagbawi sa pyansa kapag natapos o nakansela ang usapang pangkapayapaan.

Kasama sa mga NDF consultant na nakakalaya dahil sa pyansa ay ang mag-asawang sina Benito at Wilma Tiamzon na parehong nahaharap sa kasong multiple murder.

Facebook Comments