OSG, nagsumite na ng kumento sa SC kaugnay ng mga petisyon laban sa Batas Militar sa Mindanao

Manila, Philippines – Hiniling ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa deklarasyon ng Batas Militar sa Mindanao dahil sa kawalan ng merito.

Ito sa ay isininumiteng 45-pahinang kumento ng OSG sa Korte Suprema.

Isa-isang inilahad ng OSG ang mga pangyayari na pinagbatayan ng factual basis para patunayan na may nagaganap na rebelyon at bakit kinakailangang ideklara ang Batas Militar.


Ayon sa OSG, malinaw naman na marahas na nag-aklas laban sa gobyerno ng Pilipinas ang mga grupo na kunektado sa ISIS na ang layunin ay ihiwalay ang Mindanao, talikuran ang gobyerno at pagkaitan ang Punong Ehekutibo na magampanan ang kanyang kapangyarihan at tungkulin.

Ang panunumpa ng mga lokal na rebeldeng grupo sa Mindanao sa ISIS ay bahagi ng kanilang layunin na makapagtayo ng wilayah o probinsya ng Islamic State sa Mindanao na kanilang sinimulan sa pamamagitan ng pag-atake sa Marawi.

Hindi rin nagpadalus-dalos si Pangulong Duterte sa pagdedeklara ng Martial Law, dahil bago pa man naganap ang pag-atake sa Marawi, maraming mga insidente na isinagawa ang Maute Group, Abu Sayyaff at iba pang mga grupong kunektado sa ISIS para maisakatuparan ang plano na makapagtayo ng probinsya ng ISIS sa Mindanao.

Ang kawalan din ng rekumendasyon ng Defense Secretary ay hindi nakakaapekto sa bisa ng Proclamation No. 216 at hindi nangangahulugan na walang sapat na basehan ang Martial Law.
DZXL558

Facebook Comments