Dapat na umusad ang preliminary investigation sa reklamong sedition na inihain ng PNP-CIDG laban kina Vice President Leni Robredo at sa mahigit 30 iba pa na iniuugnay sa plano raw na pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ito ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Omnibus Motion na isinumite nito sa DOJ panel of prosecutors na may otoridad ang mga piskal na itinalaga ni Justice Secretary Menardo Guevarra para hawakan ang preliminary investigation ng nasabing reklamo.
Ito anila ay salig sa Executive Order 292 o Administrative Code of 1987.
Sang-ayon pa rin aniya sa Administrative Code, may kapangyarihan ang kalihim ng DOJ na mag-delegate ng kanyang mandato sa mga opisyal at empleyado na nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa.
Muli ring nanindigan ang OSG na may otoridad sila para maging abugado ng PNP-CIDG base na rin sa itinatakda ng Administrative Code
Wala ring nakikitang ‘conflict of interest’ ang OSG dahil ang kinakatawan nito ay ang mismong ahensya ng pamahalaan at hindi mga respondent na public official.