Hinimok ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang Office of the Solicitor General (OSG) na bumuo ng special legal team na tututok sa mga kaso ng bullying sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Justice (DOJ) para sa 2025, binusisi ni Tolentino kay Solicitor General Menardo Guevarra kung ano ang status ng “specialized unit” na taon-taong binabanggit ng senador sa budget hearing ng ahensya.
Puna pa ng senador, nagbabayad pa ang OSG ng mga dayuhang abogado para sa kaso ng mga pangha-harass ng China sa ating bansa.
Sinabi ni Tolentino na kung ganito rin naman ang nangyayari na kumukuha ng admiralty lawyer sa bawat kaso ng harassment ng China ay mas makabubuti aniya kung bubuo ang OSG ng sarili na nating special admiralty unit.
Kinatigan naman ni Guevarra ang naging obserbasyon ng senador at batid din niyang malaki ang nagagastos ng pamahalaan sa pagkuha ng mga banyagang abogado na tumutulong sa international litigation at arbitration ng bansa sa West Philippine Sea.