Ospital ng Malabon, hindi muna tatanggap ng non-covid cases para bigyang daan ang disinfection at mass testing ng health workers nito

Malungkot na ibinalita ni Malabon City Mayor Lenlen Oreta na apat na health workers mula sa Ospital ng Malabon ang nag-positibo sa COVID-19.

Dahil dito ay ini-anunsyo ni Oreta na pansamantala munang hindi tatanggap ng non-covid cases ang ospital.

Ito ay upang magbigay daan sa gagawing disinfection, contact tracing, at testing ng health workers simula ngayong araw.


Ayon kay Oreta, sasailalim din sa swab test ang mga nakakaramdam na ng sintomas at ilalagay sila sa isolation areas upang mag-quarantine.

Sa kabila nito ay sinabi ni Oreta na mananatiling bukas ang emergency room, laboratory, at radiologic section para sa out-patients.

Magpapatuloy din ang operasyon sa Amphitheater (Medical Management Area) para asikasuhin ang mga suspect at probable cases sa Malabon.

Umaasa si Oreta na agad na lalabas ang test results ng health workers mula sa DOH, para maibalik ang full operation ng Ospital ng Malabon sa Huwebes, o sa May 7.

Facebook Comments