Hindi muna tatanggap ng mga pasyente ang Ospital ng Tondo sa Maynila matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang medical frontliners nito.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, nakiusap ang director ng Ospital ng Tondo na sampung araw silang hindi tatanggap ng pasyente dahil sa nagkasakit na rin ang mga doktor at nurses na nag-aalaga sa mga COVID-19 patients.
Sinabi pa ng alkalde na sa loob ng sampung araw ay magkakaroon ng pagkakataon na makapagpahinga at makarekober ang medical frontliners kung saan patuloy pa rin tututukan ang mga COVID-19 patients na naka-admit sa nasabing ospital.
Ang ibang mga pasyente na kinakailangan ng medical emergencies at immediate treatment ay tatanggapin pa rin ng Ospital ng Tondo habang ang iba ay ire-reffer sa limang pampublikong hospital na nasa ilalim ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Matatandaan na pansamantala rin isinara ang Ospital ng Tondo ng dalawang linggo noong buwan ng Mayo para bigyan din ng pagkakataon na makarekober ang mga nagkasakit na medical frontliners.