Cauayan City, Isabela- Pansamantalang itinigil ang operasyon ng isang ospital sa Lungsod ng Ilagan matapos makapagtala ng isang medical worker na positibo sa COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng City of Ilagan, ipinasara muna ang Dr. Victor S. Villaroman Memorial Hospital sa Centro Poblacion para sa disinfection at contact tracing sa iba pang mga nakasalamuha ng isang health worker na nagpositibo na ngayo’y naka home quarantine.
Sumailalim naman sa swab test ang ilan sa mga naging first at second contacts ng nagpositibo at sila’y naka strict home quarantine.
Pinauwi na rin ang ilang mga pasyente na nagpapagamot sa ospital habang ang iba ay inilipat sa ibang pagamutan.
Ayon pa kay Ginoong Bacungan, kasalukuyan din naka lockdown ang Brgy Bliss Village, Naguilian Sur, at Purok 4 ng Malalam na magtatagal hanggang ika-8 ng Oktubre sa oras na alas 8:00 ng gabi.
Kaugnay nito, mayroon naman aniyang ibinibigay na relief goods ang pamahalaang panlungsod sa mga residente na naapektuhan ng lockdown.
Samantala, mahigpit pa rin ang pagbabantay sa mga quarantine at ASF checkpoints sa Lungsod upang mabantayan ang pagpasok ng mga live hogs at mga pork products.
Ayon kay Ginoong Paul Bacungan, naka-ban sa Lungsod ang mga buhay na baboy at anumang produkto nito lalo na sa mga galing sa infected areas.
Kamakailan lamang aniya ay nakasabat ang mga nagbabantay sa Checkpoint sa Brgy. San Juan ng mga frozen foods na galing pa sa Lungsod ng Tuguegarao.