Ospital sa NCR na nagturok ng 2nd booster shot sa mga sektor na hindi kabilang sa immunocompromised, nagpaliwanag sa DOH!

Isang ospital sa Metro Manila ang nagsagawa ng pagtuturok ng 2nd booster shot kontra COVID-19 sa mga indibidwal na hindi kabilang sa immunocompromised category.

Ang naturang ospital ay nakapagbigay ng 2nd booster shot sa mga frontline healthcare workers at senior citizens.

Kasunod yan, inihayag ng Department of Health (DOH) na natanggap na nila ang paliwanag ng nasabing ospital hinggil sa nangyaring insidente.


Batay sa inilabas na pahayag ng DOH, hindi naintindihan ng pamunuaan ng ospital ang inilabas na guidelines ukol sa pagbabakuna ng 2nd booster shot.

Ayon kasi sa ospital, akala nila na posibleng magbigay ng nasabing pagtuturok sa mga naturang indibidwal dahil aprubado naman ito ng Food and Drug Adminitration (FDA).

Nabatid na sa inaprubahang Emergency Used Authorization (EUA) ng FDA, maaaring maturukan ng 2nd booster ang mga senior citizens, healthcare workers at mga immunocompromised individuals.

Pero, hindi naunawaan ng ospital na ang inirekomenda lamang ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ay pawang mga immunocompromised individuals lamang at pinag-aaralan pa ang pagbibigay ng 2nd booster sa senior citizens at healthcare workers.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ngayon ang DOH at National Vaccination Operations Center (NVOC) sa iba pang health care facilities at vaccination sites upang hindi na maulit ang ganitong insidente.

Facebook Comments