OTC, handang alalayan ang mga jeepney drivers na ang operator ay di nakapag-consolidate

 

Nakahandang saluhin ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) ang mga jeepney driver na ang operator ay hindi sumali sa industry consolidation sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.

Sa pulong balitaan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sinabi ni OTC Chairman Jesus Ferdinand Ortega na matapos ang deadline ng consolidation, nakatutok naman sila ngayon sa mga maaapektuhang driver na nakasalalay sa kanilang mga operator.

Ani Ortega, nakausap na nito ang ilang mga transport cooperative at korporasyon na sinigurong tutulungan ang mga tsuper para hindi mawalan ng hanapbuhay.


Nakahanda rin ang mga consolidated transport cooperative na saluhin ang mga rutang kukulangin ng babiyaheng Public Utility Jeepneys (PUJ) units sa mga susunod na buwan.

Ito ay para masiguro aniyang magkakaroon pa rin ng sapat na transportasyon sa isang ruta at hindi naman mahihirapan ang mga pasahero.

Sa ngayon, patuloy na isinasapinal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang listahan ng mga operator na humabol sa deadline ng consolidation hanggang noong December 31.

Batay sa inisyal na datos ng LTFRB, nasa 76% o higit sa 145,000 units na ang consolidated sa buong bansa.

Mula sa bilang na ito, 73.96% ang PUJs o higit 111,581.

Dito sa Metro Manila, aabot na rin sa 52.54% ang kabuuang bilang ng consolidated kung saan 51.34% ang mga pampasaherong jeepney.

Facebook Comments