Inihain ni Senator Joel Villanueva ang Senate Bill Number 1454 na nagtatakda ng otomatikong price control o pagbabawal sa pagtataas ng presyo ng personal protective equipment at mga medical devices kapag may outbreak o epidemya, at pandemic tulad ng COVID-19.
Nakapaloob sa panukala ni Villanueva na kapag may Public Health Emergency ay hindi maaring itaas ang presyo ng mga medical supplies at devices o isasailalim sa price control batay sa rekumendasyon ng Department of Health (DOH).
Kabilang sa inihalimbawa ni Villanueva na mga produktong hindi dapat tumaas ang presyo ay ang PPE, face mask, safety goggles, nebulizer, alcohol at oxygen cannula.
Kapag naisabatas, sinumang lalabag ay hahatulan ng dalawang hanggang 20-taon na pagkakabilanggo at hanggang 4-na-milyong-pisong multa.
Layunin ng panukala ni Villanueva na huwag ng maulit ang pagmanipula at pagtataas sa presyo ngayon ng face mask, PPE, alcohol at disinfectant dahil sa COVID-19.