Cauayan City – Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa Cagayan ukol sa mahigpit na pagbabawal sa paggamit, pagbebenta, at pag-aari ng mga ilegal na paputok partikular na ang Boga.
Sa operasyon na isinagawa ng Gattaran, Camalaniugan, at Solana Police kahapon, nakumpiska ang mga Boga mula sa anim na menor de edad sa iba’t ibang barangay.
Agad naman silang pinaalalahanan tungkol sa panganib at posibleng parusa ng paggamit nito.
Ayon kay Police Colonel Mardito G. Anguluan, Provincial Director, patuloy ang kanilang kampanya kontra ilegal na paputok upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, lalo na ngayong kapaskuhan.
Mahigpit ding nanawagan ang mga pulis sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at iwasan ang paggamit ng mga delikadong pyrotechnic devices.
Samantala, ang mga lalabag sa regulasyon ay maaaring maharap sa kaukulang parusa ayon sa batas.