
Iniimbestigahan na ng Office for Transportation Security (OTS) ang insidenteng naganap sa Iloilo International Airport, katuwang ang airport authorities at mga ahensiya ng law enforcement.
Ayon sa OTS, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga patalim sa loob ng paliparan. Iginiit din ng ahensya na ang naging aksyon ng PNP–Aviation Security Group (AVSEGROUP) ay tugon upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero at empleyado ng paliparan.
Batay sa inisyal na ulat, habang isinasagawa ang aviation security screening, namataan ng isang OTS Security Screening Officer ang isang ipinagbabawal na bagay sa loob ng bag ng pasahero.
Dahil dito, isinailalim ang bag sa secondary screening alinsunod sa umiiral na security protocols. Gayunman, nang hilingin na sumailalim sa manual baggage inspection, bigla umanong inagaw ng pasahero ang kanyang bag mula sa X-ray machine at tumakas palabas ng screening area.
Sa karagdagang ulat, habang tumatakas, kinuha umano ng pasahero ang isang patalim, dahilan upang agad na rumesponde ang mga pulis na nakatalaga sa loob ng paliparan.
Sa gitna ng insidente, binaril sa dibdib ang pasahero at agad na isinugod sa ospital upang malapatan ng medikal na atensyon.










