Minaliit ng isang impeachment lawyer ang ikinasang mass protest bukas ng iba’t ibang grupo na nanawagan na patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang mass protest ay patikim umano na pagkilos habang papalapit ang selebrasyon ng 34th EDSA revolution.
Sa NANKA forum sa Quezon City, sinabi ni Atty. Larry Gadon na hindi magtatagumpay ang naturang grupo dahil iilan na lamang ang naniniwala sa kanilang ipinaglalaban.
Nagising na aniya ang publiko dahil magmula nang malagay sa kapangyarihan ang mga Aquino ay nagmahal ang presyo ng mga bilihin at bayarin sa kuryente at tubig at marami ang nawalan ng trabaho.
Aniya, sa nakalipas na tatlong taon na ginugunita ang EDSA People power, abot lamang sa tatlong daang katao ang napapapunta sa aktibidad sa EDSA.
Ngayong darating na anibersaryo, hindi na aniya malayo na nasa isang daan lamang ang makakadalo.
Ani Gadon, ang mga dadalo na lamang sa mass protest ay ang mga bayarang grupo at mga militante.